GUIGUINTO, Bulacan, Philippines — Tatlo katao ang arestado kabilang ang 2 Chinese national at tinatayang aabot sa P100 milyong halaga ng mga computer, universal serial bus (USB) at TV na hinihinalang may storage devices na pawang walang mga permit ang kinumpiska ng Optical Media Board (OMB) sa isinagawang pagsalakay sa isang bodega nitong Huwebes ng hapon sa bayang ito.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Joy Alegado na nagpakilalang sekretarya ng nasabing establisyamento at dalawang Chinese National na sina Quan Xi Gua at Huang Yingjie.
Ayon kay OMB Chairman Atty. Christian Natividad, tatlo katao ang inaresto sa nasabing pagsalakay ng ahensya sa isang bodega sa Guiguinto kabilang ang dalawang Chinese national at ang nagpapakilalang may-ari ng Ecom Electronics Reconditioning Services.
Sinabi ni Natividad na nadiskubre ang nasabing bodega matapos na magpadala ng online license application ang nasabing establisimyento noong Huwebes ng umaga ang nagpakilalang may-ari na si Jocelyn Drueco Casimiro.
Pero bunsod sa maigting na intelligence report, natuklasan ng OMB na isang Chinese national umano ang nagmamay-ari ng naturang electronics company. Posibleng “dummy” lamang umano si Casimiro na nagpakilalang may-ari ng kompanya.
“Ang mga gadgets, storage devices at iba pa ay inaangkat sa bansang Korea at pinapalitan ng mga piyesa pagdating sa Pilipinas upang maging bago saka nila ibebenta sa merkado. Isang panloloko ang kanilang ginagawa sa mamamayan at sa gobyerno,” pahayag ni Natividad.