CAVITE, Philippines — Patay ang isang hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na droga makaraang makipagpalitan ng putok sa awtoridad sa isinagawang buy-bust operation sa bayan ng Rosario, dito kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot ang suspek na si Jhayron Bondal alias “Louie”, residente ng Brgy. Tejeros, Gen. Trias City, Cavite at kabilang sa drug watchlist ng pulisya.
Sa ulat ni P/Staff Sgt. Ellezer Tagalog ng Rosario Municipal Police Station, dakong alas-10:30 ng gabi nang isagawa ang buy-bust ng mga miyembro ng Rosario Police-Drug Enforcement Unit (DEU) sa Brgy. Silangan 2, Rosario.
Nauna dito, nakipag-transaksyon ang suspek sa poseur buyer na si Pat. John Vergel Meneses at sa aktong iniaabot ng una ang hinihinalang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P500, ay dito na sumenyas si Meneses sa mga ka-grupo saka nagpakilalang pulis sa una. Pero imbes na sumuko, bumunot umano ng baril ang suspek at pinaputukan ang mga pulis sanhi ng shootout na kanyang ikinabulagta.