2 tirador ng motor natimbog
ANGELES CITY , Philippines — Nasakote ng mga awtoridad ang dalawang hinihinalang tumangay ng isang motorsiklo sa Sitio Abacan, Brgy. Malabanias, dito, noong Lunes ng gabi.
Sa ulat sa tanggapan ni Police Station 4 commander P/Major Aris Gonzales, kinilala ang mga suspek na sina Joel Mateo, 43, may asawa, at Felix Navarro, 36, kapwa taga-Malolos City, Bulacan.
Sa imbestigasyon, pasado alas-8 ng gabi nang madiskubre ng biktimang si Crizel Gamboa na nawawala ang kanyang Mitsukoshi scooter kaya’t agad nitong ni-report sa pulisya ang insidente.
Agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis sa pangunguna ni P/Lt. Jennies Capili at natiyempuhan nila ang mga suspek na may isinasakay na motorsiklo sa isang Mitsubishi Expander na may conduction sticker number B7D76 sa bahagi ng Mayon Street sa Brgy. Malabanias. Nang kanilang sitahin ay dito nakita ang nawawalang motorsiklo na isinasama sa dalawa pang motorsiklo na nakasakay na sa nasabing sasakyan.
Matapos ang koordinasyon sa Land Transportation Office at Highway Patrol Group-3, napag-alaman ng pulisya na ang naturang dalawa pang motorsiklo ay ninakaw rin sa may Pandi, Bulacan.
Agad inaresto ang mga suspek na nakuhanan pa ng dalawang plastic sachet ng shabu na nasa 5-gramo at nagkakahalaga ng P34,000.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 10883, bagong anti-carnapping law at Sec 11, Art II ng R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest