MANILA, Philippines — Patay ang isang dating barangay chairman ng Lugo sa Borbon, Cebu matapos ang engkuwentro sa mga pulis sa Barangay Minoyan, Murcia town, Negros Occidental kahapon ng umaga.
Dead-on-the-spot si Jinnefer Mercader, 43, dahil sa tama ang bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon kay Col. Henry Binas, director Bacolod City Police Office, si Mercader ay matagal nang sangkot sa Mercader gun-for-hire at illegal drugs.
Sinabi naman ni Police Lt. John Paul Tabujara, Murcia police officer-in-charge, si Mercader ay kabilang sa “high-value target,” na tumakas noong Marso 5, 2020 habang dumadalo ng kanyang hearing. Una siyang naaresto noong Setyembre 2017 dahil sa illegal drugs, illegal possession of firearms sa Borbon, Cebu at nakulong sa Medellin District Jail.
Sinabi ni Tabujara na nang matukoy nila ang hideout ng suspek, katuwang ang PDEA agents ay agad ikinasa ang manhunt operation.
Natagpuan ng raiding team si Mercader sa isang farm ng manok na panabong at pinakiusapang sumuko subalit bigla umano silang pinaputukan na naging dahilan ng shootout na kanyang ikinabulagta.
Narekober sa encounter site ang .45 caliber pistol, isang 12-gauge shotgun ng suspek at P400,000 halaga ng shabu.