MANILA, Philippines — Patay ang isang miyembro ng Philippine Marines habang apat pang sundalo ang nasugatan matapos na sumabog ang bomba sa naganap na roadside bombing sa Brgy. Limpongo, Datu Hoffer, Maguindanao nitong Biyernes ng gabi.
Sa ulat, sinabi ni Lt. Col. Anhouvic Atilano, Spokesman ng Army’s 6th Infantry Division (ID), dakong alas-8 ng gabi habang bumabagtas ang convoy na sinasakyan ng tropa ng 5th Marine Company ng 5th Marine Battalion Landing Team (MBLT) sa highway sa Brgy. Limponga sa pagitan ng hangganan ng Datu Hoffer at Shariff Aguak ng lalawigan na bigla silang pasabugan ng bomba ng hinihinalang mga kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Ang nasawing sundalo ay kinilala lamang na isang Private Angot, aktibong kasapi ng 5th Marine Company na nakadeploy para magbigay seguridad sa hangganan ng lalawigan ng Maguindanao at Lanao del Sur.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa Maguindanao Provincial Hospital ang mga nasugatang sundalo na kinilala lamang sa mga pangalang Sergeants Erasmo at Ahmad at Private First Class Nolledo at Pfc. Ullanes.
“The Marine troops were deployed in the area to support the ongoing focused military operations against the terrorists,” pahayag ng opisyal. Ang marshy areas ng Maguindanao ay kilalang balwarte ng BIFF ang breakaway group ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).