MANILA, Philippines — Matapos ang ilang araw na tensyon, wala nang nagawa kahapon si President Quirino Mayor Azel Mangudadatu na makapasok sa kanyang tanggapan nang ipadlock ito ng mga awtoridad kasunod ng suspension order laban sa kanya sa Sultan Kudarat.
Base sa Administrative Order No.40 series of 2020 na ipinalabas ng Office of the Provincial Governor, isailalim sa 45-araw na preventive suspension si Mayor Mangudadatu.
Dahil dito, mahigpit na binabantayan ng tropa ng 40th Infantry Battalion ng Philippine Army, Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company (SKPMFC), Regional Mobile Force Battalion (RMFB) at President Quirino MPS ang palibot ng President Quirino Municipal Hall building upang masiguro ang katahimikan at kaayusan ng bayan at ng mga taong nagtatrabaho roon.
Nauna rito, pumalag at nanatili sa kanyang tanggapn si Mayor Mangudadatu kahit lumabas na ang 45-days suspension order nito mula kay Sultan Kudarat Governor Teng Mangudadatu dahil umano sa mga kasong Misconduct in Office, Dereliction of Duty at Abuse of Authority.
Samantala, umupo na rin bilang acting mayor ng nasabing bayan si Vice Mayor Katrina Florida Sandigan, bilang pagtalima sa Executive Order Number 40 ng gobernador.