MARILAO, Bulacan, Philippines — Aabot sa 420 kilo ng “botcha” o double dead na baboy ang nakumpiska ng National Meat Inspection Services (NMIS) mula sa anim na kalalakihan sa Barangay Sta. Rosa 1, dito kamakalawa ng gabi
Kinilala ni P/Lt. Col. Dominador Ignacio, acting chief of police ng nasabing bayan ang mga naarestong suspek na sina Almer Pao Obnimaga; Mark Angelo Bolo Responde; Ojeck Bahilot Salimbaga; Aristeo Aguilar Lorenzo; Aldrin Daganta Dalin at Reynan Bahilot Alfonso, pawang ng brgy. Guyong, Sta. Maria, Bulacan at mga empleyado ng Qualipeak Livestock Corporation na pag-aari ng isang Thomas Haw na matatagpuan sa Pintong Bato, brgy. Guyong, Sta. Maria, Bulacan.
Dakong alas-10:00 ng gabi nang masabat ng Marilao Inspection Unit ang nasabing mga double dead na baboy na sakay ng Isuzu Refer Van 2019 model sa kahabaan ng Villarica road ng nasabing bayan.
Nang sitahin ng mga otoridad ang anim na suspek ay wala silang maipakitang mga dokumento na pinapayagan ng NMIS na i-transport ang mga nasabing dalang double dead na karne ng baboy na ibibiyahe sana nila sa Metro Manila.