Parak inambus ng tandem, 1 suspek utas

Kinilala ni Cotabato City Police director Col. Richard Fiesta ang biktima na si M/Sgt. Salipudin Pangawilan, nakatalaga sa Guindulungan Police Station pero taga-Cotabato City.
STAR/ File

COTABATO CITY , Philippines — Sugatan ang isang pulis matapos na tambangan at pagbabarilin ng ri­ding- in-tandem habang lulan ng AUV pero napatay nito ang isa sa mga suspek sa Sinsaut Avenue, Cotabato City, noong Biyernes ng hapon.

Kinilala ni Cotabato City Police director Col. Richard Fiesta ang biktima na si M/Sgt. Salipudin Pangawilan, nakatalaga sa Guindulungan Police Station pero taga-Cotabato City.

Sa ulat, pauwi na si Pangawilan sakay ng kanyang Toyota Innova nang tabihan ng mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo at agad pinaputukan dakong alas-3:30 ng hapon.

Sa kabila nito, nakaganti ng putok ang pulis at tinamaan ang isa sa dalawang suspek na nakilalang si Edir Sandigan na binawian ng buhay sa ospital.

Ayon kay Colonel Fiesta, ang kasama ng suspect na nagmaneho ng motor ay nakatakas pero pagdating sa Esteros Bridge, tumalon sa ilog at iniwan ang motor sa gilid ng highway.

Ini-imbestigahan pa ang kaso, ayon kay Police Station 2 commander Major Rustom Pastoler.

Show comments