Mag-ina pinasok, pinatay sa Bulacan

HAGONOY, Bulacan , Philippines — Karumal-dumal ang sinapit ng isang 69-anyos na ina at anak na dalaga matapos na matagpuang naagnas na sa loob ng kanilang tahanan na hinihinalang pinasok at pinatay ng ‘di kilalang suspek sa Purok 2, Brgy. Mercado ng bayang ito, kamakalawa ng tanghali.

Kinilala ni P/Lt. Col. Roginald Francisco, hepe ng Hagonoy Police ang mga biktima na sina Carmelita Tungol, may-asawa at anak na si Mary Grace, 43-anyos.

Sa inisyal na im­bestigasyon, sa pagitan ng alas-11:00 ng umaga at alas-12:00 ng tanghali nang madiskubre ng mag-asawang Wilfredo at Evelina Buenaflor ang naaagnas at nanga­ngamoy nang bangkay ng dalawa sa may kusina ng kanilang bahay. Agad silang humingi ng tulong sa pulisya at napag-alaman sa mga kamag-anak na limang araw na silang walang balita sa mag-ina.

Sinabi ni Ryan Mel Tungol, huli niyang nakausap ang inang si Carmelita at kapatid na si Mary Grace noong Agosto 16 sa pamamagitan ng video call at wala na siyang naging balita matapos ng huli nilang pag-uusap.

Isinalalim na sa awtopsiya ang bangkay ng mga biktima upang malaman kung paano sila nasawi o pinaslang.

Show comments