MALOLOS CITY , Philippines — Limang pulis na nakatalaga sa Candaba, Bulacan ang sinibak sa puwesto matapos na ireklamo ng anim na residente ng Baliwag sa tanggapan ni Mayor Ferdie Estrella dahil sa diumano’y robbery extortion at abduction.
Sa police blotter na nakuha sa Baliwag Police, tinukoy ang mga inirereklamo na sina Captain Michael Ray Bernardo, SSgt. Cliford Fega, Cpl. John Turqueza, Cpl. Khris Carlo Celso at Pat. Roel Chan.
Ayon sa mga dumulog kay Mayor Estrella, nangyari ang diumano’y pang-aabuso sa kapangyrihan ng mga pulis sa iba’t ibang okasyon at barangay sa Baliwag noong mga buwan ng Marso, Abril at Hulyo, taong kasalukuyan.
Sa kuwento ng mga biktima, lumabas na pare-pareho silang nakaranas ng pagdakip o abduction ng Intel Operatives of Candaba Municipal Police Station sa iba’t ibang lugar sa Baliwag. Hiningian din umano sila ng malaking halaga kapalit ng kanilang kalayaan sa mga kasong paglabag sa RA 9165 Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002, RA 11332 Non Cooperation of Notifiable Diseases at RA 10591 Illegal Possession of Firearms and ammunition.
Nangyari ang mga insidente sa panahon na ipinatutupad ang community quarantine dahil sa global pandemic na COVID-19.
Ni-relieved ng Police Regional Office 3 ang limang pulis sa kanilang police assignment sa Candaba matapos makarating sa kanila ang reklamo.