LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Biyak ang ulo at agad nasawi ang hindi pa kilalang lalaki matapos umanong manlaban at makipag-agawan ng itak ang isang mag-ama na may-ari ng kalabaw na kanyang sinubukang nakawin sa loob ng plantasyon ng pinya sa Purok-1, Brgy.Capaculan, Milagros, Masbate kamakalawa ng umaga.
Sa ulat, dakong alas-8:35 ng umaga ay nagulat ang mag-amang sina Edison Aganan Rosero, 53-anyos at Niño Rosero, 22-anyos nang biglang may pumasok na lalaki sa kanilang plantasyon ng pinya at sinubukan nitong hatakin palabas ng bakod ang kanilang kalabaw. Agad nilang sinaway ang suspek pero sa halip umalis ay bumunot ng itak at pinagtataga ang mag-ama.
Gayunman, kahit sugatan ay nagawa ni Edison na agawin ang itak ng suspek at buong lakas niyang tinaga ito sa ulo dahilan para agad namatay ang suspek. Isinugod naman ang sugatang mag-ama sa Masbate Provincial Hospital at kasalukuyang nagpapagaling.