GUIGUINTO, Bulacan, Philippines — Nagkadurog-durog ang katawan ng isang binata matapos na masagasaan ng isang rumaragasang kotse kamakalawa ng gabi sa Brgy. Cruz ng nasabing bayan.
Kinilala ni P/Major Rolando Geronimo, acting Chief of police ng Guiguinto PNP ang biktima na si Ehdglen Fajardo, 24 anyos, binata ng Bagong Barrio st., Brgy. Wawa, Balagtas, Bulacan.
Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-10:45 ng gabi, habang papaliko ang biktima sa kanto ng nasabing barangay sakay ng kanyang motorsiklo nang bigla na lamang siyang sagasaan ng rumaragasang puting KIA Sorento na may plakang UIL 643.
Sa lakas ng pagkakasalpok sa biktima, tumilapon ito ng halos 15 metro at nawasak ang motorsiklo habang lasog ang katawan ng biktima. Tumakas ang drayber ng kotse na nakilalang si Bon Edralin Gulapa ng Garnet St. Carva Ville, Brgy. Sabang, Baliwag, Bulacan.
Sa follow-up operation, natagpuan ng mga pulis ang ”killer car” na nakaparada sa gilid ng kalsada sa Brgy. Sta. Rita, Guiguinto, Bulacan na inabandona ng drayber na target ngayon ng manhunt operation ng Guiguinto Police.