Plantasyon ng saging inatake ng 80 armado: 4 utas

Sa naantalang ulat mula sa Carmen Municipal Police Station, nasa 80 na armadong lalaki ang umatake sa sa­gingan na pagmamay-ari ng pamilya Puyod, bandang alas-8:30 ng umaga. Dito nagkaroon ng engkuwentro sa pagitan ng mga nakatalagang guwardya ng plantasyon at mga umatakeng grupo.
Philstar.com/File

5 pa sugatan, 18 suspek arestado

NORTH COTABATO, Philippines — Apat katao ang nasawi kabilang ang dalawang security guards habang lima pa ang nasugatan at 18 ang naaresto nang atakihin ng mga armadong grupo ang isang plantasyon ng saging na nauwi sa engkuwentro sa Purok 6, Barangay Mabuhay, Carmen, Davao De Oro kamakalawa.

Sa naantalang ulat mula sa Carmen Municipal Police Station, nasa 80 na armadong lalaki ang umatake sa sa­gingan na pagmamay-ari ng pamilya Puyod, bandang alas-8:30 ng umaga. Dito nagkaroon ng engkuwentro sa pagitan ng mga nakatalagang guwardya ng plantasyon at mga umatakeng grupo.

Sa nasabing sagupaan, minalas na masawi ang dalawang guwardya ng plantas­yon na sina Kenneth Cabasingan, nasa hustong gulang, residente ng Mabini, Davao De Oro at Erben Rosalin, may asawa at taga-Brgy. Panibasan, Maco, Davao De Oro; kapwa nasa ilalim ng Cross Fire Security Agency.

Dalawa rin ang nasawi sa panig ng mga armadong grupo, lima ang nasugatan at 18 ang mga naaresto.

Kinilala ang mga nasawing suspek na sina Alijo Ecat Villa, 69, may asawa at taga-Purok 5, Brgy. Manay, Panabo City na idineklarang dead-on-arrival sa Rivera Medical Hospital, Panabo City at Jun Ortega ng New Israel, Makilala, North Cotabato.

Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa Davao Regional Medical Center sa lungsod ng Tagum ang mga su­gatan na sina Angelito Balaga Suarez, 39; Marjon Villa Adlaon, 33; Carpio Ecat Villa, 48; Leon Villa Dumanda, 59, at Flavio Censico Villa, mga obrero at residente ng New Israel, Makilala.

Sa ulat kay P/Major Jay Nocidal, hepe ng Carmen Municipal Police Station, ang nabanggit na armadong grupo ay sangkot sa illegal na pagpasok sa nasabing plantasyon subalit una na silang naharang ng mga guwardya noong buwan ng Enero at muling umatake nitong Miyerkules.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulis­ya sa motibo sa pag-atake at engkuwentro.

Show comments