Quirino province, idineklarang drug-cleared ng PDEA
SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines — Pormal na inihayag ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency na ‘Drug-Cleared Province’ ang lalawigan ng Quirino nitong Miyerkules.
Ang deklarasyon ay personal na inihayag ni PDEA Director General Wilkins Villanueva sa kanyang pagbisita sa Cagayan Valley (Region-02) matapos dumaan sa masusing validation ang nasabing lalawigan.
Ayon kay Villanueva, ang deklarasyon ay kaakibat ng mas mabigat na tungkulin hindi lamang para sa mga otoridad o mga opisyal ng lalawigan at mga opisyal ng barangay kundi maging sa mga mamamayan para hindi na muling makapasok ang droga sa lalawigan.
“Kinakailangan ang pagtutulungan para tuluyang masugpo ang iligal na droga sa iba pang natitirang bayan at probinsya sa Cagayan Valley,” pahayag ni Villanueva.
Iginiit naman ni P/Col. Renato Mallonga, provincial police director ng Quirino na hindi pa rin sila titigil sa pagbabantay at pagmomonitor para hindi na muling magkaroon ng presensya ng droga sa lalawigan.
Bukod sa Quirino ay idineklara rin ng PDEA na drug-cleared ang anim na mga bayan ng Isabela, Isang bayan naman sa Cagayan at 92 mga barangays sa buong rehiyon-02.
Ang Quirino ang ikalawang lalawigan sa rehiyon-02 na naideklarang drug-cleared matapos ideklara ang lalawigan ng Batanes bilang kauna-unahang drug-cleared province sa buong Pilipinas noong June 2017.
- Latest