Dredging ng barko sa Zambales, itinanggi

MANILA, Philippines — Itinanggi kahapon ng isang mataas na opisyal ng Z2K Resources Inc. ang lumabas na ulat na nagsasagawa ng “dredging operations” ang kanilang sea vessel ZH 69 sa baybayin ng Botolan, Zambales.

Ayon kay Fiedni Fontamillas, chief operating officer (CEO) ng nasabing kumpanya na isa lamang “aggregates carrier ship” at hindi “dredger vessel” ang company-owned ZH 69.

“The vessel ZH 69 is not a dredger, as initially reported online by various news agencies. It is an aggregates carrier ship and does not have any capability to dredge or suction sand,” paglilinaw ni Fontamillas.

Ayon kay Fontamillas, bilang paghahanda sa kanilang “large-scale dredging project” sa bahagi ng Bucao River ay itinalaga sa lugar ang naturang sasak­yang-dagat subalit sa kasamaang palad ay nasangkot sa aksidente matapos na hampasin ng malalakas na alon bunga ng matinding hangin dulot ng bagyong Butchoy sanhi ng pagkasira nito.

Dahil dito, inilapit sa pampang ang barko upang hindi tuluyang lumubog at para maisagawa ang kaukulang pagkukumpuni na may koordinasyon at permiso mula sa Philippine Coast Guard (PCG). Kaya nagpaabot ng pasasalamat si Fontamillas kay PCG-Masinloc Sub-station Chief Rizaldy Sardan, dahil personal na tinutukan at tumulong ang huli sa nagkaaberyang ZH 69. Nakatakdang dalhin muna shipyard ng Z2K ang ZH 69 at isasailalim sa “dry dock’.

Nabatid na Mayo 28, 2020 nang bigyan ng Zambales gov’t ang Z2K Resources Inc. ng “notice to proceed” at “dredging operations permit” para sa gagawing dredging operation ng “heavily silted” Bucao River.

Show comments