MANILA, Philippines — Patay sa pananambang ang isang lider ng militanteng party-list na Bayan Muna sa Lungsod ng Iloilo, ayon sa ulat ng Police Regional Office 6 ngayong Huwebes.
Ayon sa isang saksi, pasado 5 a.m. kanina nang hablutin ng apat na suspek ang braso si Jose Reynaldo "Jory" Porquia, coordinator ng Bayan Muna-Panay, sa kanilang tahanan sa Barangay Sto. Niño Norte.
Naka-bonnet at itim na jacket daw ang mga salarin, na nagpaluhod kay Porquia habang sinasabi ang mga katagang: "Duko ka ha! Indi ka maghulag!" (Baba! Huwag kang gagalaw!)
"Pagkatapos, narinig niya [witness] ang ilang putok at nakita ang biktimang nakahandusay sa sahig," sabi ng Philippine National Police sa kanilang spot report sa Inggles.
"Umalis ang mga suspek sakay ang dalawang scooter motorcycles habang rumesponde naman ang [Scene of the Crime Operatives] team sa pagpro-proseso ng crime scene."
Hawak nayon ng Iloilo City Police Station 6 ang kaso ng 53-anyos na aktibista.
'EJK' may kinalaman sa COVID-19 relief ops?
Ikinalungkot naman nina Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at Rep. Eufemia Callamat ang sa sinapit ni Porquia, na kilalang aktibista simula pa noong Batas Militar.
"Mariin naming kinukundena ang duwag na pagpaslang kay Ka Jory ng apat na mamamatay-tao," ani Zarate sa isang pahayag.
Kilala raw si Ka Jory na kritiko ng "anti-mamamayan na polisiya" ng administrasyon at habang abala sa feeding programs at community kitchens para sa mga apektado ng lockdown, na ibinaba kaugnay ng pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
Paratang pa nina Zarate, pinigilan ng PNP si Porquia sa kanilang feeding programs noong isang linggo: "Siya ay pinaslang dahil sa kanyang pagtindig sa interes ng ating bayan at mamamayan," sabi pa niya.
Ayon naman kay Seigfred Deduro, dating kinatawan din ng party-list at coordinator din nito sa Panay, tinutugis din daw ng Iloilo PNP si Porquia bago mapatay dahil sa "pangunguna sa relief operations at education campaign" kaugnay COVID-19 sa hanay ng mga gutom.
"Kahit winelcome ni Mayor [Jerry] Treñas ang Bayan Muna initiative sa pagtulong sa LGU sa edukasyon at pagpapakain ng quarantined residente, hindi ito nagustuhan ng PNP," banggit ni Deduro.
Pinipigilan din daw sila sa kanilang volunteer work, habang ipinagkakalat na "kontaminado ng COVID-19 virus ang pagkaing inihanda ng mga aktibista."
Kinukunan na ng pahayag tungkol dito si PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac, ngunit hindi pa nagpapaunlak ng panayam sa PSN.
Naging miyembro ng League of Filipino Students (LFS) si Ka Jory noong diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos at naglingkod bilang OIC member ng National Youth Commission sa ilalim ni dating Pangulong Corazon Aquino,
Naging overseas Filipino worker din siya noon sa Gitnang Silangan at Tsina, kung saan aktibo siyang nag-organisa ng mga Pilipinong migrante.
Paglukluksa ng pamilya
Labis namang nagdadalamhati ang mga naulila't kaibigan ni Porquia, lalo na't namatay daw siyang tumutulong sa gitna ng pandemic.
"Pinatay nila ang tatay ko sa gitna ng krisis gayong ang gusto lang niya ay magbigay ng relief sa mga nangangailangan nito," ani Lean Porquia, anak ni Ka Jory.
"Siyam na putok para patayin siya, SIYAM! Nag-iisa siya. Wala siyang laban."
Kagabi lang daw nang kwinekwentuhan pa siya ng tatay niya tungkol sa planong pagtatayo ng maliit na restawran. Kumpleto na rin daw ang mga papeles.
"Magpahinga ka na Tatay. Milyun-milyon ang maghihiganti sa pagkamatay mo," sabi pa ni Lean.