MANILA, Philippines — Upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19, isinailalim na sa voluntary community quarantine ang lalawigan ng Oriental Mindoro na bawal muna ang pagbiyahe habang suspendido rin ang klase ng mga estudyante.
Ito’y matapos na pagtibayin ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa pamumuno ni Oriental Mindoro Gov. Humerlit “Bonz” Dolor ang isang resolusyon sa voluntary community quarantine sa lalawigan.
“Under voluntary community quarantine, we are implementing travel restrictions to prevent possible case of Covid-19 to enter to the Province effective 12:01 PM, March 14, 2020 until March 25, 2020, 11:59 PM,” ayon sa resolusyon. Pahihintulutan naman ang pagbiyahe palabas sa lalawigan.
Samantalang suspendido rin ang klase sa lahat ng antas sa pribado at mga pampublikong paaralan si-mula bukas, Lunes.
Sa ilalim ng community quarantine, ang pamahalaang panlalawigan ay magpapatupad ng 4-day work-week schedule kung saan ang mga manggagawa ay papasok lamang sa trabaho sa Lunes, Martes, Huwebes at Biyernes simula alas -7 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi. Samantalang exempted o hindi naman kabilang dito ang mga departamento at mga nag-implementa ng programa na magtratrabaho naman pati Miyerkules.
Ayon pa sa resolusyon, maging ang pagsasabong at malakihang pagtitipon ay ipinagbabawal habang ang mga mangingisda na nasa dagat ay pahihintulutan namang magsiuwi na sa kanilang mga tahanan.
Nabatid na kinansela rin ng pamahalaang panlalawigan ang ika-12th Founding Anniversary ng Calapan City sa darating na Marso 21 bilang bahagi ng preventive measure na naglalayong mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Apektado naman sa lockdown ang libu-libong katao na bumibiyahe mula Western Visayas na dumaraan sa Strong Republic National Highway.
Pahihintulutan naman ang pagpasok ng mga pangunahing pangangaila-ngan tulad ng pagkain, fuel, gamot, mga pangangaila-ngang medical, pagkain ng mga hayop at mga construction supplies, mga doktors at iba pang health workers.
Sa tala ng Department of Health (DOH) nasa anim na ang nasawi sa COVID-19 sa bansa habang marami pa ang patuloy na minomonitor.