Trader niratrat ng 2 ‘kustomer’

SAN RAFAEL, Bulacan, Philippines — Dead-on-the-spot ang isang negosyante matapos na pagbabarilin ng dalawang lalaki na nagpanggap na kustomer sa kanyang karinderya sa Brgy. Mabalas-balas ng bayang ito, kahapon ng umaga.  

Agad nasawi ang biktima na si Norberto Inosanto matapos matadtad ng bala sa katawan habang mabilis na tumakas ang mga suspek lulan ng isang itim na motorsiklo patungong bayan ng Bustos.

Sa ulat, dakong alas-7:10 ng umaga habang nagluluto ang biktima para sa kanyang maliit na karinderya nang dumating ang dalawang suspek at nagpanggap na kustomer. Agad nilang pinagbabaril ang biktima gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Inaalam pa ng mga otoridad ang motibo sa pagpatay sa biktima na pangalawang negosyante nang itinumba sa loob ng dalawang araw sa bayan.

Nauna rito, patay ang negosyanteng si Leonardo Imbien matapos pagbabarilin  ng riding-in-tandem sa Brgy. Poblacion, Baliwag, Bulacan.

Show comments