CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Isang dalagang high value target (HVT) at pinsan nito ang nadakip sa anti-drug operation ng pinagsanib na operatiba ng Quezon PNP/DEU at Lucena PNP-DEU na nagresulta sa pagkakakumpiska ng nasa P8.6 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa Purok Villaverde, Dalahican Road, Brgy. Ibabang Dupay, dito sa lungsod kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Quezon Police Director P/Col. Audie Madrideo, itinuturing na miyembro ng malaking sindikato ng droga ang nadakip na si Mary Jane Pamatmat, 30, tubong Nagcarlan, Laguna at nasa dalawang buwan nang nangungupahan sa isang bahay sa nasabing barangay.
Naaresto na rin sa buy-bust operation ang suspek noong nakaraang taon sa Candelaria, Quezon subalit nakalaya sa pamamagitan ng plea bargaining.
Dakong alas-11:00 ng gabi nang isagawa ng mga awtoridad na pinamumunuan ni P/Capt. Reynaldo Dalumpienes ang buy-bust sa suspek na nabilhan ng isang plastic sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P20,000.
Apat pang malala-king plastic sachet na naglalaman ng high grade shabu, isang pi-rasong P1,000 marked money, 19 na piraso ng budol na 1,000 bills at mga drug paraphernalias ang nakuha sa pag-iingat ng suspek.
Naaresto rin sa loob ng inuupahang bahay nito ang kanyang runner na pinsang si Niel Carlo Tolentino, 24, ng Candelaria, Quezon at nakuhanan din ng isang plastic ng shabu.
Aabot sa 425 gramo ng shabu ang nasamsam sa dalawa na tinatayang nagkakahalaga ng P8,670,000.