MANILA, Philippines — Nasakote na ng mga awtoridad ang isang Moro Islamic Liberation Front o MILF commander na isa sa mga akusado sa pagpaslang sa tinaguriang SAF 44 sa Brgy. Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao noong 2015.
Sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Direct Assault with Murder na inisyu ni RTC 12th Judicial Region, Branch 15 Judge Alandrex Betoya ay dinakip ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group, Regional Force - BARMM, 6th MIB ng Army’s 6th ID, Police Station 2 at Task Force Kutawato ang suspek na si Abu Halil na kilala rin bilang Abuhalil Sabpa, alyas Commander Haraemen.
Nabatid na na-confine si Halil sa Cotabato Regional Medical Center kaya’t sinamantala ng mga awtoridad ang pagkakataon para madakip ang suspek, ala-1:30 ng hapon nitong Miyerkules.
Ang naturang akusado ay dinala sa Battalion Commander ng 105th Base Command.
Wala namang inirekomendang piyansa kay Abu Halil na nakatakdang iharap sa korte pagkalabas sa pagamutan.