Bangka tumaob: Chinese patay, 27 nasagip

Mabilis na ni-rescue ng mga operatiba ng Philippine Coast Guard (PCG) ang bangkang Jocelyn 1 na may sakay na 28 turista matapos na tumaob sa Boracay Island sa Malay, Aklan kahapon ng umaga. Isang Chinese national ang nasawi sa trahedya habang 27 ang nasagip. May kaugnay na ulat sa pahina 9.
PCG Photo

Island hopping sa Boracay, nauwi sa trahedya

MANILA, Philippines — Patay ang isang Chinese national habang 27 pa ang nasagip kabilang ang 22 pang Tsino matapos na mauwi sa trahedya ang kanilang island hopping nang tumaob ang sinasakyan nilang bangka sa karagatan ng Malay, Aklan nitong Martes ng umaga.

 Kinilala ang nasawi na si Hongfang Kuai, 45-anyos at dayuhang turista sa Boracay Island.

 Ang iba pang mga nasagip na nilalapatan ng lunas sa Ciriaco Tirol Hospital ay 22 pang Chinese national na mga kasamahan ni Kuai, dalawang Pinoy na tour guide, isang skipper at dalawang crew ng bangkang Jocelyn 1.

Sa report ni P/Lt. Col. Jonathan Pablito, hepe ng Malay Police, dakong alas-11:10 ng umaga nang mangyari ang insidente sa karagatan ng Brgy. Balabag, sa Malay, Aklan. Patapos na sa island hopping ang mga biktima at malapit nang dumaong sa dalampasigan nang tumaob ang sinasak-yang bangka.

“After island hopping, upon approaching sila ng shore, ‘yung boat nag-capsize. Na-rescue naman sila ng other boats in the area, they were rushed to Ciriaco Tirol  Hospital,” pahayag ni Pablito.

Ayon sa skipper at crew ng Jocelyn 1, hinampas ng malakas na hangin ang bangka bunsod upang mabali ang katig nito hanggang sa tumaob.

Mabilis na rumesponde ang rescue team ng Philippine Coast Guard at Maritime Police at iniahon ang mga turista saka agad na inilipat sa isang rumespondeng bangkang de motor.

 

Show comments