Bus swak sa bangin: 42 sugatan
MANILA, Philippines — Apatnapu’t dalawa katao ang himalang bahagyang nasugatan makaraang aksidenteng mahulog sa bangin ang isang pampasaherong bus sa Brgy. Hidhid, Matnog, Sorsogon nitong Lunes ng umaga.
Sa ulat ng Sorsogon Police, dakong alas-9:50 ng umaga, kasalukuyang bumabagtas sa naturang lugar ang Eagle Star bus na may body number 8168 na minamaneho ni Felix Calipes, 52-anyos ng Poblacion, Calbayog City nang biglang mawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver bunsod upang tuluy-tuloy na bumulusok pababa at mahulog ito sa may 20 metrong lalim na bangin na ikinasugat ng mga sakay nito.
Agad namang sumaklolo ang rescue team at isa-isang naiahon sa bangin ang mga pasahero saka mabilis na isinugod sa pagamutan ang mga nasugatan.
Nabatid na galing Maynila at patungo sa Matnog, Sorsogon ang bus nang maaksidente habang nagmamaniobra sa pakurbadang matarik na highway.
Isinailalim na sa kustodya ng Matnog Police ang driver ng bus para sa kaukulang disposisyon habang patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito.
- Latest