Madugong laklakan: 1 utas, 2 sugatan

LEGAZPI CITY,Philippines — Nauwi sa madugo ang masayang laklakan ng magkakamag-anak matapos pagsasaksakin sila ng kainumang bisita dahilan para isa ang nasawi habang dalawa ang sugatang isinugod sa ospital sa Brgy. Casay, Casiguran, Sorsogon kamakalawa ng umaga.

Napuruhan nang saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan at agad nasawi ang biktimang si Joemar Espedido Esperida, 23-anyos. Sugatan naman ang kanyang mga pinsan at magkapatid na si Ryaniel Celestial Esperida, 26-anyos at Ruben Celestial Esperida, 28-anyos, pawang residente ng nasabing barangay.

Tinutugis na ng pulisya ang tumakas na suspek na si Elizal­dy Hacutina Guevara, 41-anyos na bisita lamang ng mga biktima.

Sa ulat, dakong alas-11 ng umaga habang masayang nag-iinuman ang mga biktima at suspek nang bigla silang magkaroon ng pagtatalo.

Sinubukan pa ng mga kaanak na awatin ang mga nagtatalo pero bumunot ng patalim ang suspek at pinagsasaksak ang mga biktima dahilan para duguan at patay na bumagsak si Joemar habang parehong isinugod sa Sorsogon Provincial Hospital ang magkapatid na Ryaniel at Ruben.

Show comments