Madugong Pasko sa police station:
MANILA, Philippines — Isang pulis ang malubhang nasugatan makaraang barilin ng kapwa parak matapos ang kanilang mainitang pagtatalo sa kanilang himpilan sa Jordan, Guimaras kahapon na mismong araw ng Pasko.
Ito’y sa gitna na rin ng mahigpit na kautusan ni PNP officer-in-charge P/Lt. Gen. Archie Gamboa sa mga tauhan na bawal ang “indiscriminate firing” sa pagsalubong ng Pasko.
Kinilala ang nabaril na si P/Corporal Erwin Ferrer, 33-anyos na unang isinugod sa Dr. Catalino Nava Hospital sa tinamong tama ng bala sa tiyan pero inilipat sa Western Visayas Hospital sa Iloilo City dahil sa maselang kalagayan.
Arestado naman ang nakabaril na si P/Staff Sergeant Jeremy Minerva, 35-anyos na nahaharap sa kasong kriminal at administratibo.
Sa ulat ni Brig. Gen. Rene Pamuspusan, Police Regional Office (PRO) 6 director, dakong alas-4:05 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa mess hall ng himpilan ng Guimaras Provincial Mobile Force Platoon (GPMFP) sa Camp Mosqueda sa Brgy. Alaguisoc ng nasabing bayan. Kapwa umano lasing ang biktima at suspek nang sila ay dumating sa GPMFP headquarters at nagtungo sa mess hall.
Sinabi ng mga kapwa pulis na habang nakaupo ang dalawa sa may lamesa ay nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo. Kasunod nito, agad kinuha ni Minerva ang kanyang Glock 17 service pistol na nakapatong sa ibabaw ng lamesa.
Nakita naman ni P/Corporal Francis Joe Sartaguda na kararating lamang sa himpilan ang tensyon sa pagitan ng dalawa kaya tinangka pa nitong pigilan si Minerva na barilin si Ferrer. Nakipambuno umano si Sartaguda at tumulong din ang biktima para agawin ang armas kay Minerva pero aksidente na itong pumutok na tumama sa tiyan ng kaaway na parak.
Dahil sa insidente, agad na sinibak sa puwesto ni P/Col. Hector Maestral, director ng Guimaras Police Provincial Office ang platoon leader ng GPMFP na si P/Lt. Col. Raymond Cruz dahil sa command responsibility. Pansaman-tala namang itinalaga si P/Captain Stephen Lee Betansos bilang acting platoon leader kapalit ni Cruz.
Pinagpapaliwanag naman ni Pamuspusan sa loob ng 24 oras si Maestral sa nangyaring insidente.