MANILA, Philippines — Dalawa ang patay habang 47 ang sugatan nang mauwi sa trahedya ang isasagawa sanang fellowship ng isang religious group nang bumaligtad ang sinasakyan nilang trak sa National Highway ng Km-26, Brgy. Tikalaan sa bayan ng Talakag, Bukidnon, kamakalawa ng umaga.
Nasawi noon din ang mga biktimang sina Manuel Alforque Jr, 74, at Bonifacia Abut, 76-anyos, habang patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang 47 iba pa na nasugatan sa insidente kabilang ang driver ng trak na si Michael Abanacion, 24.
Batay sa report ng Talakag Police Station, sakay ang mga biktima ng trak papuntang church fellowship at binabaybay ang nasabing lugar nang biglang nawalan ito ng preno, dakong alas-10:00 ng umaga.
Sa bilis ng pangyayari, ay nawalan ng kontrol sa manibela ang driver dahilan upang bumaligtad ito na nagresulta sa pagkamatay nina Alforque at Abut dahil sa tinamong matinding pinsala sa ulo at katawan, at ikinasugat pa ng iba.
Patuloy naman ang imbestigasyon sa nasabing insidente.