LEGAZPI CITY, Albay, Philippines -- Isa ang nasawi habang apat naman ang sugatan matapos sumalpok ang sinasakyan nilang sports utility vehicle (SUV) sa nakaparadang truck sa gilid ng kalsada sa Boulevard Area, Brgy. Puro sa Legazpi City, Albay kahapon ng madaling araw.
Magkakasamang isi-nugod sa Bicol Regional Training Hospital ang mga biktimang sina Arlou Ayala Hardeniana, Amir Kedayon, Joemar Leron Gaveria, Arjay Leron Gaveria at John Paul Santos, pawang mga residente ng Brgy. Oro Site ngunit dead-on-arrival si Santos.
Sa ulat, dakong alas-2:40 ng madaling araw ay binabaybay ng Mitsubishi Expander (EAD-2824) ng mga biktima ang kalye nang mawalan sa kontrol at malakas na bumangga sa nakaparadang truck.
Sa lakas ng pagkakabangga ay nawasak ang kaliwang bahagi ng SUV at walang malay na isinugod ang mga biktima sa ospital kung saan ideneklarang patay si Santos.
Ayon sa mga nakasaksi, hindi pa malaman kung sino ang nagmamaneho sa sasakyan at mukha umanong nakainom ang mga biktima.