Legazpi City, Albay, Philippines – Pinawalang-sala ng Legazpi City Regional Trial Court si dating Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo sa kasong illegal possesion of firearms, ammunitions at explosive na isinampa laban sa kanya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-5.
Sa desisyong inilabas ni Judge Maria Theresa San Juan-Loquillano ng RTC Branch 10, inabsuwelto si Baldo sa mga kasong unang isinampa laban sa kanya kaugnay umano ng mga nakuhang baril, mga bala at M203 Grenade launcher sa ginawang raid ng mga pulis sa kanyang bahay sa Barangay Tagas. Ang naturang armas ang sinasabing ginamit umano sa pagpatay kay dating Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe noong Disyembre 22, 2018 sa Brgy. Burgos.
Laking-tuwa naman ng dating alkalde at kanyang pamilya makaraang ibasura ang kanyang kaso kung saan ang abogado niya ang dumalo sa paglabas ng desisyon.
Bago ang desisyon, pansamantalang nakalaya sa naturang kaso si Baldo sa bisa ng piyansa.
Sa kasalukuyann ay patuloy na dinidinig naman ang hiwalay na kasong double murder at 6-counts of frustrated murder laban kay Baldo sa parehong sala kung saan pinagbigyan ring makapagbayad ng piyansang 8.2-milyong piso para sa kanyang pansamantalang kalayaan.