Hideout ng kidnappers ng Briton, misis na Pinay tukoy na

MANILA, Philippines — Natukoy na ng tropa ng militar ang kabuuang lugar na posibleng pinagdalhan at itinago ng mga kidnappers ang negosyanteng Briton at misis nito na binihag sa Tukuran, Zamboanga del Sur sa unang bahagi ng buwang kasalukuyan.

 Sinabi ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command Chief Lt.Gen. Cirilito Sobejana na hindi tumitigil ang tropa ng militar upang masagip nang buhay ang mga bihag na sina Allan Arthur Hyrons, 70-anyos, at asawa nitong Pilipina na si Wilma Pagcalinawan.

 Gayunman, pansamantalang hindi muna isiniwalat ni Sobejana ang sinasabing ‘general area’ kung saan maaring itinatago ang mga bihag upang hindi mabulilyaso ang search and rescue operation ng kanilang tropa.

 Ang mag-asawang Hyrons ay binihag ng anim na mga armadong kalalakihan sa Hyrons Beach Resort na pag-aari ng mga biktima sa Tukuran noong Oktubre 4.

 Sa kasalukuyan, ayon sa opisyal, positibo ang militar na hindi pa nakakalabas ng Zamboanga del Sur ang mga kidnappers tangay ang kanilang mga bihag.

 Inihayag pa ni Sobejana, nakatutok din sila sa kaso dahil may mga disimpormasyon na kumakalat na posibleng nasa kamay na ng bandidong Abu Sayyaf ang mag-asawang Hyrons.

 Nagpapatuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng Joint Task Force Hyrons lalo na sa mga tinukoy na persons of interest sa pagbihag sa mag-asawa.

Show comments