CAVITE, Philippines – Nababahala ngayon ang pulisya at mamamayan ng lalawigang ito makaraang mismong isang alkalde rito ang target ng text scam at ginamit pa umano ang pangalan ng mismong hepe ng buong pulisya ng lalawigan at humihingi ng pabor para sa isang malakihang transaksyon.
Personal na nag-report sa Cavite Provincial Office si Silang, Cavite Mayor Socorro Poblete at ipinakita ang mga text messages na natanggap nito sa ‘di nakilalang mga texter.
Ayon kay Poblete, nakatanggap siya ng text messages mula sa dalawang cellphone numbers na may nakasaad na “Mayor, pakihanapan ang kaibigan ko private contractor for residential construction “from P. COL WILLIAM SEGUN, in behalf of private persons William and Josie Santos.”
Dahil sa pag-aakala ng alkalde na si Col. Segun na provincial director, agad siyang nag-reply sa texter at nagsabi naman siya na kung makakaya niya ay nakatakda siyang tumulong. Subalit bigla umano siyang kinutuban at nag-isip na kung talagang ang provincial director ang kanyang kausap ay tiyak na pupuntahan siya nito o tatawagan nang personal kung may kailangan.
Tinawagan agad ng mayor si Segun at tinanong ang naturang mensahe pero itinanggi ng huli na may alam siya rito.
Ayon kay Col. Segun, hindi siya o wala siya ni anumang hinihingian ng pabor sa kahit sinong politiko. Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng Cavite Police ang insidente.