MANILA, Philippines – Pwede nang makapasyal sa dalawang museo ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) na nasa Bulacan ang mga bulag.
Ito’y matapos makabitan ng mga braille ang pangunahing mga detalye ng eksibisyon na matatagpuan sa Museo ng Kasaysayang Pampulitika ng Pilipinas sa Casa Real de Malolos at sa Museo ni Marcelo H. Del Pilar na nasa bayan ng Bulakan.
Naisakatuparan ito sa pamamagitan ng isang public-private partnership sa pagitan ng NHCP, Rotary Club of San Juan del Monte at ng Touch the Artists Vision sa ilalim ng programang Inside-Out Museum Unboxed Exhibit. Ayon kay Nett Jimenez, curator ng Museo ng Kasaysayang Pampulitika ng Pilipinas ng NHCP, magandang pagkakataon ito para sa mga bulag, lalo na ang mga kabataang ipinanganak na bulag na.
Ito ay upang maging ang mga ganitong may kapansanan ay magkaroon din ng pagkakataon na matuto at makapagpahalaga sa kasaysayan ng bansa. Kauna-unahang bulag na nagkaroon ng pagkakataon na makabisita sa nasabing museo ay si Harvee Quirioso, ng Marcelo H. Del Pilar Memorial School sa Bulakan, Bulacan. Naipasyal si Quirioso sa Museo ng Kasaysayang Pampulitika ng Pilipinas sa pamamagitan ng paghipo nito sa mga inilagay na braille sa bawat larawan ng 16 na mga dati at kasalukuyang pangulo ng Pilipinas.
Makakapa ng isang bulag sa alpabetong braille ang isinasaad ng mga detalye ng mga programa at proyektong isinakatuparan sa panahon ng panunungkulan ng mga pangulo. Maging ang wangis ng isang pangulo ay kanya ring nakapa, gaya ng estilo ng buhok, kung may bigote o nunal man.