PWD kinaladkad ng pulis bago binaril
CAVITE, Philippines — Isang person with disability (PWD) dahil sa pagiging pipi’t bingi ang kritikal matapos na kaladkarin sa loob ng bahay nito at pagbabarilin ng isang lasing na pulis kamakalawa ng hapon sa Trece Martirez City.
Kinilala ang biktima na si Hermes Guevarra alyas “Metmet/Pipi”, 36-anyos, ng B-7, L-42, Phase 1, Regina Ville 2000, Brgy. Inocencio, Trece Martires City.
Nasa kustodya naman ng pulisya ang suspek na si P/MMaster Sgt. Paulo Gagua, 38, nakatalaga sa Trece Martires City Police Station at residente ng B-16, L-8, Phase 1, Regina Ville 2000, Brgy. Inocencio, Trece Martires City.
Sa ulat, alas-5:00 ng hapon, masaya umanong naglalaro ng volleyball ang biktima kasama ang mga kaibigan sa kalsada ng Phase 1 ng nasabing subdivision nang dumating ang suspek na lasing at armado. Sinita umano nito ang mga kabataan hanggang sa lapitan nito ang biktima at kasamang si Dexter Dimaranan saka pinagsisigawan na nauwi pa sa sakitan.
Upang makaiwas, umuwi na lamang ang biktima at mga kasamahan. Gayunman, alas-6:30 ng gabi nang biglang dumating ang suspek sa bahay ng biktima at pilit na pinalalabas. Ang ama na lamang nito na si Jessie Guevarra ang napilitang lumabas at nakipag-usap sa suspek subalit bigla siyang sinapak ng huli hanggang sa pumasok sa bahay at hinanap ang PWD na biktima.
Nang makita ng suspek ang biktima sa loob ng kusina, agad niyang kinaladkad palabas ng bahay at dinala sa may creek saka pinagbabaril.
- Latest