NORTH COTABATO, Philippines — Limang akusado na karamihan ay padre-de-pamilya ang hinatulan ng hanggang 40 taong pagkabilanggo dahil sa kasong panggagahasa sa magkakasunod na promulgation ng korte sa Kidapawan City.
Ang isang hatol ay inilabas kahapon ni RTC Branch 23, Presiding Judge Jose Tabosares kung saan isang tatay na kinilala lang sa alyas “Boy” ay ginawaran ng 20-40 taong pagkakakulong matapos na dalawang beses na gahasain nito ang 15-anyos na stepdaughter sa Magpet, North Cotabato noong 2015.
Hinatulan din kamakalawa ng “reclusion perpetua” ang isang tatay sa 3 counts of rape na ginawa nito sa 12-anyos na anak sa Antipas, North Cotabato noong 2017. Isa ring ama na kinasuhan ng 5 counts of rape ang nasentensyahan ng reclusion perpetua makaraang gahasain ang 13-anyos na anak noong 2014 sa Kidapawan City.
Samantala, reclusion perpetua na walang parole ang iginawad ding parusa sa isang kapitbahay na gumahasa sa isang 7-anyos na bata noong 2012 sa Antipas, North Cotabato habang isa pang akusado ang hinatulan ng reclusion perpetua dahil sa panggagahasa sa isang 13-anyos na kapitbahay.