Engineer nagpakalat ng sex video ng ex, arestado sa entrapment

PULILAN, Bulacan, Philippines — Naaresto sa inilatag na entrapment operation ang isang inhinyero matapos na ireklamo ng dating live-in partner sa umano’y pananakot at pagpapakalat ng kanilang sex video sa Brgy. Sto. Cristo ng nasabing bayan kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni P/Lt. Col. Gil Domingo, hepe ng Pulilan Police Station ang suspek na si Raul Samson, 52-anyos, hiwalay sa asawa, consultant engineer at naninirahan sa 179 Pias Road, Camp 7, Baguio City.

Inireklamo ang suspek ng dating kinakasama na 24-anyos sa mga otoridad matapos na pagbantaan siya nito na ipadadala pa sa mga kaibigan at kamag-anak ng babae ang malalaswa nilang video habang nagtatalik kapag tumanggi siyang makipagkita sa una.

Nauna rito, nakapagpadala na umano noong July 31 at August 10 ng kopya ng video ang lalaki sa mga kamag-anak ng babae.

Dahil sa reklamo, nagsagawa ng entrapment operation ang pulisya at nasakote ang suspek dakong alas-2 ng hapon sa isang restaurant sa nasabing barangay at nabawi sa suspek ang cellphone nito na naglalaman ng malalaswang video nila ng dating kinakasama.

Nahaharap ang engineer sa kasong paglabag sa RA 9995 (Anti-Photo and Video Voyeurism Act).

Show comments