LEGASPI CITY, Albay , Philippines — Nabasag ang ulo ng isang 29-anyos na rider matapos na sumalpok ang kanyang motorsiklo sa kasalubong na truck sa kahabaan ng national highway sa Brgy. Naagtan, Gubat, Sorsogon kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot dahil sa matinding sugat sa ulo ang biktimang si Jose Dolot Delgado, binata, ng Brgy. San Vicente, Bacon District, Sorsogon City.
Sumuko naman sa mga rumespondeng pulis ang driver ng nakabangaang trak na si Edwin Baitan, 32-anyos, ng Brgy. Casay, Casiguran.
Sa ulat, dakong alas-7:30 ng gabi, mabilis umanong binabagtas ng motorsiklo ng biktima ang highway pauwi sa kanilang bahay nang mawala ito sa direksyon at inokupa ang linya ng kasalubong na Isuzu Drop Side truck (XKA-164) na minamaneho ni Baitan. Hindi na nakaiwas ang trak at malakas na bumangga sa kaliwang bahagi nito ang motorsiklo.
Sa lakas ng banggaan, tumalsik ang biktima at tumama ang ulo nito sa bakal na harang sa tabi ng kanang bahagi ng kalsada. Agad rumesponde ang rescue team mula sa bayan ng Gubat pero nang pulsuhan ay patay na ang rider.