Ex-mayor, konsehal, 3 pa itinumba!
Sa patuloy na patayan sa Negros Oriental
MANILA, Philippines — Lima pa katao ang pinaslang matapos pasukin sa loob mismo ng kanilang tahanan kabilang ang isang dating alkalde, isang konsehal makaraang ratratin ng hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan nitong Sabado ng madaling araw sa papatindi pang insidente ng pamamaslang sa lalawigan ng Negros Oriental.
Kinilala ang mga nasawing biktima na si Edsel Enardecido, 60-anyos, dating alkalde ng bayan ng Ayungon; Bobby Jalandoni, konsehal sa Canlaon City; Ernesto Posadas, chairman sa Brgy. Panubigan, Canlaon City; Leo Enardecido, 45, pinsan ng naturang ex-mayor ng Brgy. Tampocon, Ayungon at isang Federico Sabejon.
Sa ulat ng tanggapan ni Central Visayas Police Director P/Brig. Gen. Debold Sinas, alas-2:30 ng madaling araw nang magkakasunod na umatake ang mga armadong lalaki sa kani-kanilang tahanan ng mga biktima at sila ay pagbabarilin.
Naunang pinaslang ng mga salarin si Sabejon sa kanyang bahay sa Brgy. 3, Siaton nitong Sabado sa pagitan ng alas-12 at ala-1 ng madaling araw.
Sa tala, simula noong Hulyo 18 ng taong ito ay umaabot na sa 20 katao ang napatay, 16 dito ay mga sibilyan, ng mga gumagalang armadong killers sa lalawigan ng Negros Oriental. Ang apat ay mga pulis na nilikida ng mga rebeldeng komunista.
Nangyari ang serye ng mga pamamaslang, limang araw naman matapos na harangin at paslangin sa harap ng taumbayan ang apat na police intelligence operatives sa Brgy. Mabato, Ayungon ng lalawigan.
Sa kasalukuyan, binabalot ng matinding takot ang mga residente dahil sa magkakasunod na pagpatay sa kanilang lalawigan.
Sinasabing ang mga salarin ay pawang armado ng mahahabang kalibre ng armas na pininturahan pa umano ang dingding ng tahanan ng mga biktima ng “Mabuhay ang NPA rebels, mabuhay ang armadong pakikibaka,” kung saan ang mga armadong salarin ay nagpakilala ring miyembro ng armadong kilusan.
- Latest