PAGBILAO, Quezon , Philippines — Aabot sa 2,400 kilo ng sangkap sa paggawa ng bomba at 500 blasting cap ang nakumpiska ng mga awtoridad kasabay ng pagkakaaresto sa dalawang indibidwal, kamakalawa sa checkpoint sa Brgy. Talipan ng bayang ito. Nakapiit na sa Pagbilao custodial facility at nahaharap sa kasong pag-iingat ng illegal explosives sina Noel Clarianes, 52, ng Caramoan, Camarines Norte at Mark Rommel Deligente, 28, ng Brgy. Alupaye, Pagbilao, Quezon.
Ayon kay P/Lt. Col. Arnulfo Selencio, 1st Quezon Provincial Mobile Force Company (QPMFC) commander, unang naaresto si Clarianes habang naghihintay ng bus patungong Bicol region. Sa isinagawang inspection sa mga bag nito, nakuha ang 200 piraso ng blasting cap na may detonating cord at 150 kilo ng ammonium nitrate.
Makalipas ang isang oras, nasabat sa police checkpoint ang Foton van na minamaneho naman ni Deligente at nakuhaan ng 2,200 kilo ng ammonium nitrate at 300 piraso ng blasting cap.