Legazpi City, Albay, Philippines — Isa na namang bloke ng cocaine na aabot sa halagang 5.3 milyong piso ang nalambat ng isang mangingisda sa karagatang sakop ng Brgy. Boclod, San Jose sa lalawigan ng Camarines Sur kamakalawa ng hapon.
Dakong alas-2:00 ng hapon, ang hindi pinangalanang mangingisda ay nasa karagatang sakop ng Boclod nang makita niya ang palutang-lutang na isang malaking plastic sachet na may lamang isang bloke na nababalot ng kulay brown na packing tape.
Agad kinuha ito at nagdudang droga gaya ng naunang mga nalambat ng kapwa mga mangingisda sa karagatang sakop ng Bicol.
Ibinigay ito kay Brgy. Chairman Marcelino Paa Jr. na siyang nag-turn-over naman sa San Jose Police.
Matapos isalang sa laboratory test ng Regional Crime Lab ng Camp Gen.Simeon Ola sa Legazpi City, lumabas na positibo ito sa cocaine na tumitimbang ng 1,011.65 gramo o mahigit isang kilo na nagkakahalaga ng 5.3 milyong piso.