MANILA, Philippines — Masuwerteng nailigtas sa tiyak na kapahamakan ang isang mag-asawa at 8-anyos nilang anak na lalaki makaraang matabunan ng limestone o apog sa isang gumuhong abandonadong quarry site sa Brgy. Paz, Poro, Camotes Islands, Cebu kamakalawa.
Kinilala ang mga nasagip na miyembro ng pamilya na sina Francisco Monte, 41 anyos at misis nitong si Gemmalyn, 33-taong gulang at kanilang anak na si Wilbert; pawang nagtamo ng mga galos sa katawan.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 7, halos tatlong oras din ang lumipas bago nahukay na buhay ang pamilya sa nasabing abandonadong quarry site.
Bandang alas-7:40 ng umaga nang maguhuan ng apog ang pamilya sa naturang abandonadong quarry site sa nabanggit na lugar.
Samantalang alas-9:45 na ng umaga nang matanggap ng Poro Rescue team ang ulat na mabilis na nagresponde gamit ang kanilang mga panghukay sa gumuhong quarry site.
Makalipas ang ilang oras, isa-isang nahukay na buhay ang pamilya Monte kung saan ang kanilang anak na lalaki ang huling nasagip.
Agad namang dinala sa Poro District Hospital sa San Francisco ang tatlo para malapatan ng lunas.