Hubo’t hubad pinabulagta sa Mt. Mayon

Nahirapang puntahan at kunin ng mga retrieval team ng BFP at pulisya ang hubo’t hubad na katawan ng isang ‘di kilalang lalaki na pinatay sa Mt. Mayon sa Sto. Domingo, Albay kamakalawa.
Jorge Hallare

LEGAZPI CITY, Albay , Philippines  —  Isang hindi pa nakikilalang lalaki ang natagpuang nakabulagta ng ilang residente sa mataas na bahagi ng Mt. Mayon sa bahagi ng Sto. Domingo kamakalawa ng umaga.

Umabot pa ng halos tatlong oras ang retrieval team na binuo ng Sto. Domingo Police at Bureau of Fire Protection (BFP) para maakyat at marating ang kinalalagyan ng biktima na nasa 30-35 anyos sa tinatawag na “Basyaw Area” o Camp 1 ng mga mountaineers.

Sa ulat, dakong alas-9 ng umaga, tatlong residente na sina Marvin Banlayo, Ronald Banlayo at Randy Belmonte ng Brgy. Sta. Misericordia na nangunguha ng “wild honey” o pukyutan sa ituktok na bahagi ng bulkan ang nakakita sa bangkay ng lalaki sa mabatong bahagi ng Camp 1 na pinaniniwalaang apat na araw nang patay.

Agad na inakyat ng mga kasapi ng BFP at pulisya ang kinalalagyan ng biktima na inabutang hubo’t hubad. Kung nahirapan sa pag-akyat mas lalong nahirapang maibaba ng retrieval team ang bangkay.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga pulis sa pagkakakilanlan at sanhi ng pagkamatay ng biktima.

Sa ngayon, mahigpit na ipinagbabawal ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang pag-akyat sa Mt. Mayon dahil sa peligro ng biglaang pagsabog habang nakataas ang alert level 2 sa lugar.

Show comments