Eskuwelahan sinunog, VCM tupok

Ayon kay Police Major Helen Galvez, Spokesperson ng Police Regional Office (PRO) 9, dakong alas – 11:00 ng gabi nang mangyari ang pagpapasabog at panununog sa San Pablo Central Elementary School sa Purok Maloloy-on, Brgy. Poblacion, San Pablo.
File Photo

MANILA, Philippines — Pinasabugan ng granada at sinunog ng hindi pa nakikilalang mga armadong kalalakihan ang isang eskuwelahan na nagsilbing canvassing area na ikinasunog ng isang Vote Counting Machine (VCM) habang pito pang VCM ang nasagip ng mga nagrespondeng pulis sa San Pablo, Zamboanga del Sur nitong Miyerkules ng gabi.

Ayon kay Police Major Helen Galvez, Spokesperson ng Police Regional Office (PRO) 9, dakong alas – 11:00 ng gabi nang mangyari ang pagpapasabog at panununog sa San Pablo Central Elementary School sa Purok Maloloy-on, Brgy. Poblacion, San Pablo.

Ang nasabing eskuwelahan ay nagsilbing canvassing area sa katatapos na  midterm elections at pinagtaguan ng mga VCM  machine at mga election paraphernalias na ginamit sa botohan.

Sa imbestigasyon, niyanig ng malakas na pagsabog ang nasabing eskuwelahan at kasunod nito ay binalot ito ng makapal na usok  na sinundan ng sunog  sa nasabing lugar.

Nagsimula ang sunog sa Grade 6 room na pinagtataguan ng mga depektibo at naglokong mga VCM machine at mga election paraphernalia.

Idineklara naman ng mga bumbero na fire out na sa lugar bandang alas – 11:20 ng gabi.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) na sinadya ang sunog matapos itong buhusan ng gasolina.

Samantalang ang pagsabog ay sanhi naman ng inihagis na fragmentation hand grenade M67 base naman sa imbestigasyon ng Explosives Ordinance Division (EOD) Team.

Show comments