Mayor tiklo sa armas at droga
Nasa drug list ni Digong
MANILA, Philippines — Arestado ng mga otoridad ang isang incumbent mayor na nasa drug list ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos makumpiskahan ng droga at lumabag sa Comelec gun ban sa isinagawang raid sa tahanan nito sa bayan ng Lingig, Surigao del Sur nitong Huwebes ng madaling araw.
Sa ulat na tinanggap kahapon ni PNP-CIDG Director Police Major Gen. Amador Corpus, kinilala ang inaresto na si Lingig Mayor Roberto Luna Jr.
Nabatid naman na ang nasabing alkalde ay kabilang sa drug list ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa report ni Police Lt. Col. Cholijun Caduyac, Chief ng CIDG Region 13, bandang alas-3:20 ng madaling araw nang masakote ng kanyang mga tauhan si Mayor Luna.
Ang raid ay base sa inisyung search warrant ni Judge Catalina Shineta Tare-Palacio ng Regional Trial Court Branch 41 hinggil sa pag-iingat ng alkalde ng mga loose firearms o baril na walang lisensiya.
Nasamsam sa operasyon ang isang cal .45 pistol, isang bala ng cal .45 pistol, isang KG 9 magazine, pitong bala ng cal 9 MM, isang rifle grenade, siyam na piraso ng pinatu-yong dahon ng marijuana at P2-milyong cash na umano’y gagamitin sa pamimili ng boto kasama ang mga sample ballot na may marking ng isang partylist.
Nahaharap na ngayon sa patong-patong na kaso ang naturang alkalde.
- Latest