P110-M pang cocaine nalambat
MANILA, Philippines — Umaabot sa 18 bricks na floating cocaine na nagkakahalaga ng mahigit P110 milyon ang muli na namang narekober sa karagatan ng Surigao del Sur, ayon sa pulisya kahapon.
Sa ulat ni Caraga Police Director P/Brigadier General Gilbert Cruz, dakong alas-9:30 ng gabi noong Martes nang unang iturnover ng mangingisdang si Jolan Basadre Pucot, 25-anyos, ang 16 bricks o 20 kilo ng cocaine na tinatayang nasa P100 milyong halaga sa himpilan ng Lingig Municipal Police Station (MPS) matapos siyang samahan ni Brgy. Captain Jemuel Quiobe sa Brgy. Handamayan, Lingig ng lalawigang ito.
Ayon kay Cruz, dakong alas-10:30 ng umaga kahapon naman nang sumunod na isuko ni Pucot ang dalawa pang karagdagang bloke ng cocaine na tumitimbang ng 2 kilo at nagkakahalaga ng P10 milyon kaya umaabot lahat sa 18 bricks ang naisurender nito.
Ayon kay Pucot, habang nangingisda siya nang mapansin ang mga nakalutang na bloke-blokeng droga sa karagatang sakop ng Brgy. Handamayan, Lingig.
Kaugnay nito, pinapurihan ni PNP Spokesman Police Colonel Bernard Banac ang magandang inasal ng nasabing mangingisda sa katapatan nito nang iturnover sa pulisya ang nasabing bultu-bultong cocaine.
Sa tala, unang narekober ang 34 bricks ng cocaine ng dalawang mangingisda sa karagatan ng Purok Santan, Brgy. Bungtod, Tandag City noong Pebrero 24 na sinundan pa ng 40 bloke ng cocaine na nalambat naman noong Abril 7 sa Burgos, pawang sa Surigao del Sur.
Nasa mahigit 209 kilong floating cocaine na nagkakahalaga ng P1.1 bilyon ang narekober na sa Caraga Region at iba pang lalawigan matapos maglutangan sa dagat simula pa nitong Enero 13, 2019.
- Latest