MANILA, Philippines — Nag-match ang DNA sample na kinuha sa 16-anyos na dalagitang brutal na pinaslang sa Cebu matapos na balatan ng mukha, tanggalan ng dila at ilang lamanloob sa nakuha sa gunting na ginamit sa krimen ng self–confessed killer, ayon sa opisyal ng pulisya kahapon.
“DNA exam on the pair of scissors reveals positive findings of presence of DNA of both victim Christine Lee Silawan and suspect Renato Llenes in the said scissors,” pahayag ni PNP Spokesman P/Colonel Bernard Banac.
Ayon kay Banac, ang DNA test ay isinagawa ng PNP Crime Laboratory upang mabigyang linaw ang karumal-dumal na krimen sa brutal na pagpatay sa biktimang si Christine Lee Silawan.
Ang self confessed killer na si Renato Llenes, 43, ay nasakote noong Abril 9 na inamin na pinaslang niya si Silawan noong gabi ng Marso 10 sa isang bakanteng lote sa Brgy. Bangkal, Lapu-Lapu City. Ang bangkay ng dalagita ay natagpuan kinabukasan noong Marso 11.
Una nang inamin ng suspek na nasa impluwensya siya ng droga nang isagawa nito ang krimen at nagalit umano siya sa dalagita nang malamang hindi na ito birhen. Inamin din nito na ginaya niya sa cellphone apps at You Tube ng video ng “Momo challenge” ang brutal na pagpatay sa dalagita.