MANILA, Philippines — Nanawagan kahapon si Surigao del Norte 1st District Rep. Francisco “Bingo” Matugas sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang law enforcement agencies na laliman pa ang kanilang imbestigasyon kaugnay sa nagsusulputan na bloke-blokeng cocaine sa karagatang sakop ng Siargao, Surigao del Norte.
Ang panawagan ay ginawa ni Matugas kasunod ng panibagong pagkakadiskubre ng nasa 48.5 pang kilo ng cocaine sa Burgos, Siargao noong Linggo bagama’t pinuna nito ang timing sa panahon o kasagsagan ng paghahanda ng gobyerno para sa mid-term election sa May 13.
Ito na ang pangalawang beses sa loob lamang ng halos dalawang buwan na pagkakadiskubre ng kilo-kilong floating cocaine sa baybayin ng Surigao del Norte.
“We don’t want these contrabands to end up into hands of syndicates or individuals especially during election season and use them to suppress the will of the Surigaonons,” ani Matugas sa isang statement.
Kinondena ni Matugas ang paggamit ng sindikato sa Siargao Island na “transshipment point” para sa illegal drugs at hinimok ang constituents nito na maging mapagbantay at ireport ang mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar.
Noong Pebrero, hiniling ni Matugas sa PDEA, NBI at PNP na imbestigahan ang unang pagkakatagpo ng 40 cocaine bricks sa karagatan ng San Isidro at humingi rin siya ng tulong sa Philippine Coast Guard para mag-deploy ng isang barko na siyang magpapatrolya sa Siargao upang mapigil at mahuli ang nasa likod ng drugs transshipment.