CABANATUAN CITY, Philippines — Nahaharap ngayon sa kasong serious illegal detention ang isang incumbent lady vice mayor, isang konsehal ng bayan at dalawang iba pa makaraang ireklamo ng tatlong babaeng mushroom farmers mula sa Davao Oriental nitong Lunes sa Department of Justice (DOJ), dito.
Kinasuhan ng serious illegal detention nina Rosalie Japitan, 38; Rosa Gonzales, 40, at Eliza Pandili, 20, pawang mga miyembro ng Davao Oriental Association of Mushroomers (DAM) noong Marso 25 sa Provincial Prosecutor’s Office sina Aliaga Vice Mayor Elizabeth Vargas, Aliaga Councilor Dolores Alamon, Liza Topacio at ex-barangay chairman Joselito Lleva.
Inakusahan ng illegal detention sina Vargas at tatlong iba pa makaraang ikulong umano ang tatlong complainant nang halos isang buwan sa loob ng Aliaga Cyber School sa Brgy. Poblacion Centro mula noong Pebrero 12, at maging ang kanilang sahod ay hindi umano ibinigay.
Nakalagay sa report ng Aliaga MSWDO na pinamumunuan ni Evangeline Mercado na nagsasaad na natagpuan nila ang tatlong biktima na nasa loob lang ng nasabing school at bawal lumabas sa naka-padlock na mga gate nito nang sila ay i-rescue noong Marso 12.
Matapos ang rescue operation, itinanggi naman ni Vargas ang akusasyon ng tatlo laban sa kanya.