SOUTH COTABATO , Philippines — Tinatayang higit sa P21-milyong halaga ng ari-arian ang natupok kabilang ang tatlong establisyimento at isang boarding house matapos lamunin ng nangangalit na apoy sa naganap na sunog sa lungsod ng Koronadal, sa lalawigang ito, kamakalawa ng madaling araw. Ayon sa Bureau of Fire Protection Koronadal, nagsimula ang sunog dakong alas-2:00 ng madaling araw sa KMark Furniture na pagmamay-ari ni Noli Bantahinay. Mabilis umanong kumalat ang apoy at nadamay ang dalawang katabing gusali na kinabililangan ng Japan Surplus at 3MM bricks supply. Maliban sa nasabing mga establisyimento, bahagya ring natupok ng apoy ang isang boarding house sa likod ng mga ito.
Nahirapan umano ang mga bumbero na agad maapula ang apoy dahil pawang mga plastic wares at appliances ang kagamitan sa loob ng gusali. Dakong alas 4:00 na ng umaga nang ideklara ng BFP ang fire out. Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang sunog.