CABANATUAN CITY, Philippines — “Isip-isip muna habang may panahon pa.”
Ito ang pahayag ni Nueva Ecija Board Member Rommel Padilla patungkol sa mga kongresista na binilisan ang pagpasa sa Rice Tariffication Bill na batas na ngayon.
“Saan pupulutin ang maliliit na magsasaka na namomorsiyento lamang? Sana bigyan ng pansin ang ikatataas ng antas ng buhay ng tao. Sana maibigay ng pamahalaan ang nakolektang taripa sa Rice Tariffication Law sa tunay na samahan ng magsasaka,” emosyonal na sinabi ni Padilla sa harap ng mga mamamahayag sa isang media forum dito sa probinsiya noong Biyernes ng hapon.
Sinabi pa ni Padilla na sa Nueva Ecija, may solusyon na sila para hindi gaanong maapektuhan ang maliliit na magsasaka sa Tariffication Law. Maglalaan umano ang kapitolyo ng pondo sa pagbili ng palay sa tamang presyo sa mga magsasaka. Magkakaroon ng subsidy ang maliliit na magsasaka sa mga pataba, binhi at maglalagay sila ng warehouse. Dito rin ibebenta sa probinsiya ang bigas na nabili mula sa mga magsasaka ng Novo Ecijano.