MANILA, Philippines — Inabsuwelto at pinatawad na kahapon ng isang pulis ang babaeng Iranian national na nanapak, nanadyak at namaso ng sigarilyo sa kanya sa Puerto Galera, Oriental Mindoro.
Ayon kay Supt. Socrates Faltado, spokesman ng Police Regional Office (PRO) IVB, dahil sa isyu ng ‘humanitarian considerations’ ay iniatras na ng biktimang si PO2 Ferr Henrick Mangarin ang kaso laban sa Iranian national na si Fereshteh Jajafi Marbouyeh.
Sinabi ni Faltado na ito’y matapos na matuklasan ni Mangarin, 33-anyos na maysakit na “bipolar disorder” ang suspek na si Marbouyeh, 31-taong gulang.
Habang nakakulong, napansin ng mga pulis si Marbouyeh ay tila abnormal ang mga kinikilos, hindi natutulog at nagsasalitang mag-isa sa Arabian language.
Samantalang tumawag din sa nasabing himpilan ang isa pang Iranian national na si Maziar Momtazi Tehrani, 43, diving instructor at sinabing may mental disorder ang suspek.
Nabatid na ang pagkakaroon ng bipolar-1 disorder ng nasabing banyaga ay nakumpirma sa medical examination nitong Martes na isinagawa ni Dr. Rodel Gabayan Jr. ng Puerto Galera Municipal Health Office sa piitan ng nasabing dayuhan. (trainee Kim Micah Cabual)