Land dispute ng Cabcom farmers at CIAC muling sumiklab

PAMPANGA  , Philippines  —  Muli na namang sumiklab ang galit ng mga miyembro ng Cabcom Farmers Multi-Purpose Cooperative Inc. sa Clark International Airport Corporation (CIAC) sa lalawigan kasunod ng pagpasok ng mga kagamitan ng isang private investor na maglalagay umano ng “solar energy” sa kanilang lugar dahil sa umano’y walang maayos na koordinasyon.

Bunsod nito, pinakiusapan muna ng mga magsasaka ang mga gagawa ng solar energy na huwag munang magtrabaho at antayin muna ang kanilang go signal, matapos ang gagawing paki­kipag-usap ng kanilang samahan katuwang ang Volunteers Agains Crime And Corruption VACC-Region 3 sa pangunguna ni Pyra Lucas sa pamunuan ng CIAC at Bases Conversion and Development Authority (BCDA).

Noong nakalipas na taon, nagpasaklolo na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mahigit 100 miyembro ng Cabcom sa Clark Development Corporation (CDC) kasunod ng pagtabon sa kanilang mga pananim.

Sinabi ni Daniel Dizon, chairman ng nasabing kooperatiba, taong 2018 at buwan ng Enero nang kausapin sila ng pamunuan ng CDC sa pangunguna nina Ramsey Ocampo, CDC vice president for security at Cresente Evangelio, manager ng EPRD para sa idaraos na “hot air balloon” presentation sa kanilang nasa 11 ektaryang bukirin na may mga ibat-ibang pananim. Gayunman, matapos ang selebrasyon, hindi na nakapagtanim ang mga magsasaka dahil tinambakan na ito ng graba.

Show comments