PAMPANGA , Philippines — Nangangamba ngayon ang nasa 150 pamilya ng katutubong Aeta matapos na may lumutang na isang babae na nagsasabing siya ang nagmamay-ari ng kanilang 15 hektaryang lupain sa Sitio Balangkas, Brgy. Camias, sa bayan ng Porac.
Ayon sa mga katutubo, masakit sa kanila kung sila ay mapapaalis sa kanilang lupa at parang pinatay na rin umano ang kanilang pamilya dahil dito sila umaasa ng kanilang ikinabubuhay.
Bunsod nito, ipaglalaban umano nila ang kanilang karapatan sa kabila ng pangambang baka ilipat din sila sa lugar na hindi na nila maipagpapatuloy ang kanilang kultura bukod pa sa mahihirapan ang kanilang mga pamilya.
Ayon kay Brgy. Chairman Reggie Abuque, nakausap niya ang babaeng nagsasabi na “owner” ng lupa at iginiit ng huli na napatituluhan umano nila ang nasabing lupa noong 1960.
Giit ni Abuque, kung totoo ang dokumentong pinanghahawakan ng babae ay malinaw na nauna ang titulo kumpara sa bisa ng Section 56 ng Republic Act 8371 o “Indigenous Peoples Right Act of 1997” na kung saan sinasabi sa batas na dapat kilalanin ang karapatan ng mga katutubo sa lupang kanilang sinilangan.
Hinanakit ni Abuque, halos nakatatlong saling lahi na ang lahat ng naninirahan sa nasabing barangay. Patunay lamang na ito ay sakop ng kanilang ancestral domain.
Sinusuri na ng tanggapan ng National Commission of Indigenous Peoples (NCIP) ang pinanghahawakang dokumento ng magkabilang panig at umaasa ang mga residente na sila ang mapapaboran sa ipinaglalabang lupa na minana pa umano sa kanilang mga ninuno.